Dear Senator,
Noong bata pa lang ako hanggang sa magdalaga ako ay tuwang-tuwa ako na manood ng mga pelikula mo. Idol kita sa bakbakan, bugbugan at kung paanong ang karakter mo sa mga pelikula ay ang pagtatanggol sa mga naapi at tumutulong sa mga nangangailangan. Isa kang mahusay na artista at kung tutuusin isa ka sa mga bumubuhay sa takilyang Pinoy. Saludo ako sa’yo.
Ngunit noong naging botante na ako ay nag-alinlangan na akong iboto ka, sa totoo lang hindi talaga kita binoto. Hindi kasi talaga palagay ang loob ko sa mga artista na nagiging politiko bigla. Buwan na ang nakakalipas noong napabalita na isa ka sa “Big Three” sa Pork Barrel Scandal, na hindi ko naman ikinagulat. Ano ba ang bago sa ganyang eksena hindi po ba?
Siya nga pala, isa akong Rank and File employee, matagal na rin akong regular sa trabaho kaya matagal na akong kinakaltasan ng buwis. Pangatlo ako sa limang magkakapatid, biyuda ang Nanay ko kaya mag-isa niya kaming itinaguyod mula nang mawala ang tatay ko. At dahil ako nga ay nakapagtapos na, ako na ang nagpaaral sa kapatid ko na sumunod sa akin. At dahil isa lamang akong hamak na empleyado, nagtyatyaga ako sa init at hirap sa pagco-commute makapasok lang sa trabaho. Kapag kasi umabsent ako ay maaring mabawas sa sweldo ko o kaya naman ay wala akong makukuhang incentive sa kompanya. Sayang din yun. Maliit na halaga lamang ‘yun ngunit para sa akin na isa sa tumutulong magtaguyod ng pamilya, malaking bagay na yun Ser! Minsan kahit nilalagnat ako, push parin ako sa trabaho masigurado lang na kompleto ang sahod ko sa kinsenas at katapusan. Minsan, nagtitiis na lamang ako sa kape sa umaga dahil ‘yung pangkain ko eh pangkain na ng pamilya ko sa tanghalian o hapunan. Kaya naman minsan, matutulog ako ng gutom.
Ang baha o ulan ay iniinda ko sa pagpasok kahit naninigas na ako sa lamig. Kung ‘di lang ako babae malamang isa ako sa mga nakasabit sa jeep kahit na humahagupit ang malakas na buhos ng ulan. Minsan naawa ako sa sarili ko, gutom na, pagod pa at madalas pang puyat. Pero ayos na kasi ‘yun kesa walang trabaho.
Paborito kong araw ang payday. Ngunit alam mo Sir, kapag naglilista ako ng mga bills eh ubos na agad ang sweldo ko. At mas masaklap, ang laki-laki ng tax ko. Hindi kalakihan ang sweldo ko, at ang buwis na kinakaltas sa akin ay sobra ng nakakapanlumo para sa estado ko. Wala naman akong magagawa dahil obligasyon ko ‘yan sa gobyerno.
Ang masaklap lang kasi, hindi ko nakikita kung saan napupunta ang binabayad ko. Wala akong nakikitang pagbabago dahil napupunta ‘yun sa bulsa mo at ng mga politikong walang konsesniyang magnakaw sa kaban ng bayan. Ninakawan mo ako, kasama na ang mga kapwa ko empleyado na ngaususmikap magtrabaho para magkaroon ng disenteng buhay. Ninakawan mo ang mga taong nagluklok sa’yo sa pwesto. Ninakawan mo ang mga kabataan na hindi pa man nagkakaroon ng pagkakataong mamili ng leader eh may mga utang na. Ninakawan mo kami–kaming mga Pilipino na umaasa sa pagbabago.
Noong sumuko ka sa Sandigan Bayan ay hindi ako napabilib sa ‘yo. Hindi rin ako fan ng musical speech mo sa Senado. Mas lalong nakaiirita ‘yung attitude mo, na para bang ikaw pa ang kawawa at inosente. APPEAL TO PITY lang ang peg? Pagkatapos mong lumangoy sa pera at pandayin ang mga wallet namin, ikaw pa ang may ganang umarte na kawawa at idadamay mo pa ang Diyos? Tsk. Malaking opensa yan sa Kanya maging sa pananampalataya ng iba. Pwede bang maging accountable ka sa mga ginawa mo? Harapin mo ang kaso mo ng may dignidad, hindi ‘yung nagpapa-awa ka sa madla.
Noong nasa selda ka na, mga simpleng pagkain na lang ang nakahain sa’yo. Wala na ang magarang hapag gaya ng nakasanayan mo. Pero maserte ka parin dahil kompleto ang pagkain mo sa isang araw, liban pa sa selda mong malapit nang mag-transform sa isang hotel room. VIP na VIP! Samantalang may mga Pilipinong tatlong beses lang kumain sa isang linggo, walang matirhan at mamatay na sa lamig at init sa kalsada. Higit pa rito na maging air cooler ay ipapakiusap ng pamilya mo dahil sumasakit ang ulo mo? Walang wala pa yan sa sakit ng ulo naming mga niloko at ninakawan mo. Walang wala pa yan sa sakit ng ulo namin kung paano namin pagkakasyahin ang sweldo naming nakaltasan na ng buwis na siyang pinapasok mo sa bulsa mo. HIndi mo alam ang magic na ginagawa namin maka-survive lang sa buhay.
Ang mga ipis, lamok at kung ano pang mga insekto sa selda mo?
Natural lang yan. Huwag ka sanang mag-expect ng espesyal na treatment dahil may mga kababayan tayo na sa sobrang hirap eh kulang na lang kainin nila ang mga insektong yan. Huwag ka din aangal ng “Wag niyo kong babuyin” dahil ikaw–kayo sampu ng mga politiko ang lumapastangan at nanlamang sa mga kapwa niyo Pilipino. Hindi ko maintindihan kung bakit ikaw pa ang may nerve na magsabi ng mga ganyang salita, samantalang ikaw na nga ang nagkasala.
Sana kung ang karakter mo sa pelikula ay siya din sa tunay na buhay. Hindi mo man mabugbog ang mga kawatan, sana hindi ka tumulad sa kanila. Hindi mo man mailigtas o maipagtanggol ang lahat ng naapi, sana ginawa mo sa abot ng kakayanan mo ang maging isang mahusay na pinuno at mambabatas.
Gaya ng kanta ni Gloc-9, sana sinubukan mong tumayo para makita mo ang mga kababayan mong nagluklok sayo sa pwesto. Sana nakita mo ang paghihikahos ng mga Pilipinong ninakawan mo ng walang kagatol-gatol. Siguro kung nakita mo ang hirap, gutom at sakripisyo ng mga ordinaryong tao malamang nakonsensiya ka rin siguro kahit papaano.
Bago ko hanapin ang hustisya, nais kong malaman, nasaan ang iyong konsensiya?
PS: Please, huwag mo nang tangakaing lumaban sa 2016 Elections. Maawa ka sa amin. Maaaring nagproprotesta ang mga fans mo at naniniwala sila sa ‘yo hanggang ngayon. Bilang ganti sa kanilang kabaitan sa ‘yo, huwag mo na silang linlangin o hikayatin pang iboto ka susunod na eleksiyon.